|
Ika-7 Pambansang BAKAS Seminar-Workshop
Idinaos sa Don Bosco Technical Institute
Makati City
Posted June 16, 2009
.jpg)
Sa loob ng tatlong araw mula Abril 22 – 24 , 2009 ang Joy Center ng Don Bosco Technical Institute - Makati City ang naging lugar ng pambansang seminar-workshop na tinaguyod ng BAKAS Inc. , isang samahang pang-akademiko ng mga historyador, guro at mag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas na nagmula sa iba’tibang dako ng Pilipinas at iba pang panig ng mundo.
Sa taong ito , ang tema ng seminar- workshop ay “ Ang Bayan sa Ibayong Dagat : OFW , Pamilyang Pilipino at Katatagang Panlipunan sa Agos ng Kasaysayan ng Migrasyon”. Napapanahon ang tema ng pagtitipon dulot na rin ng penomeno ng mga manggagawang Pilipino na nangingibang – bansa , mga hamon na kanilang hinaharap at epekto nito sa pamilya na kanilang naiwan. Sa pakikipagtulungan ng Don Bosco Technical Institute Makati City at Pambansang Suriang Pangkasaysayan , ang samahang BAKAS sa pamamagitan ng mga naimbitahang tagapagsalita ay nagtalakay at nagbahagi ng kanilang mga pananaliksik kaugnay ng tema. Nagamit din ang teknolohiyang Skype ng paaralan upang mapakinggan ang tagapagsalita
na nasa Thailand ng mga panahong iyon.
Ang Don Bosco Technical Institute -Makati City ay hindi lamang naging lugar upang pagdausan ang nasabing pambansang pagtitipon . Naging katuwang din ang mga guro ng Araling Panlipunan sa pag-oorganisa ng nasabing pagtitipon. Si G. Alfred Lozanta , guro ng Araling Panlipunan ay nagpakita ng pakitang – turo kaugnay ng tema ng migrasyon. Samantala, nagbahagi si Gng. Elna Rogel , pinuno ng Guidance Center ng kanyang pananaliksik kaugnay ng tema.
Lubos ang pasasalamat ng samahang BAKAS sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Dr. Zeus Salazar at tagapag-ugnay , si Bb. Carmen Peñalosa sa ating Rector na si Fr. Anthony Paul Bicomong, SDB sa kanyang pagpayag na idaos ang pagtitipong ito sa ating paaralan. Malaking pasasalamat din ang ipinarating sa mga nagorganisa sa kanilang suporta para sa nasabing pagtitipon .

|